Sadyang likas na nga sa mga Pilipino ang pagkahilig sa pagdiriwang ng mga okasyon.Nariyan ang pagdiriwang ng birthday, binyagan, kasalan at lalo na ang kapistahan .Di lang mga santo ang ipinagpipista, maging ang mga hayop , produkto at nakasanayang gawain sa lugar ay ipinagpipista na rin. At siyempre ang mga Mamamayang Disiplinado ng Puerto Galera ay hindi pahuhuli sa mga ganitong pagdiriwang at kapistahan.
Sa Puerto Galera, bawat barangay at sitio ng mga barangay ay may kani-kanilang kapistahan. Kaya halos sa bawat buwan ay may lugar sa bayang ito na nagdraos ng kanilang pista.Sa mismong kabayanan naman, kapag December 8 ay ipinagpipista ang Imaculada Conception na siyang patron ng bayan. Tuwing May 13 ay ipinagpipista ang Mahal na Birheng Fatima. Subalit bukod dito, may mga pagdiriwang pa rin sa bayang ito-ang iba’t ibang festival.
Una sa listahan ay ang makulay na pagdiriwang ng De Galera Festival. Ito ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Mayo. Ilan sa mga tampok na gawain dito ay ang street dancing na nilalahukan ng lahat ng mga barangay ng bayan , Galeran Got Talent, konsyerto, palaro at ang Search for Miss De Galera na siyang pinakatampok sa nasabing festival.Ang mananalo sa nasabing search ang kakatawan sa bayan sa taunang Search for Miss Oriental Mindoro.
Pumapangalawa sa listahan ang Kaaldawan Iraya Festival. Ang festival na ito ay para sa mga katutubong mangyan bilang pagbibigay-pugay at halaga na rin sa kanila. Ito ay idinaraos tuwing buwan ng Oktubre. Dito ay sinasadyang puntahan ang mga lugar na pinaninirahan ng mga mangyan upang doon ganapin ang pagdiriwang. May programang inihanda para sa kanila, nilalahukan ng marami sa kanila. May mga katutubo rin na ginagawaran ng mga gantimpala tulad ng mga lider-mangyan at ang nagwagi sa Search for Best Mangyan Iraya.Sa pagkakataon ding ito, namimigay ng mga pagkain, damit at iba pang tulong para sa mga mangyan na nalikom ng taga- Department of Tourism mula sa mga paaralan at mga pribadong mamamayan ng bayan Kitang-kita sa mga mukha ng mga katutubo ang kasiyahan dahil sa naramdaman nilang pagpapahalaga sa kanila.
Ang pumapangatlo at panghuli sa listahan ay ang katatatag pa lamang na Makutitap Dagitab Festival. Ito naman ay masayang ipinagdiriwang tuwing Nobyembre ng taon bilang pagsalubong sa kapaskuhan. Tampok dito ang paligsahan sa pinakamagandang nagniningning na parol na yari sa recyclable materials at mga ilaw. May paligsahan din sa street dancing na bukas sa lahat. Bukod sa naggagalingang mga mananayaw sa kalsada, labis na napapaganda ang inihanda ng bawat kalahok sa tulong ng iba’t ibang kulay ng ilaw na tunay na nagpapasigla sa kanilang pag-indak. Meron ding lantern parade na kung saan ang mga naiilawan at kumukuti-kutitap na parol ay dala-dala ng mga kalahok sa parada . At upang ang simoy ng Pasko ay opisyal na maramdaman, bubuksan naman ang ilaw ng giant Christmas Tree na siyang hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang ng kapaskuhan sa bayan.
Talagang sagana sa pagdiriwang ang mga Galerans. At ang lahat nang ito ay sinusuportahan ng mga mamamayan. Naniniwala kasi ang mga tagarito na ang mga ito ay isang paraan ng pang-akit sa mga turista na pangunahing pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga tagarito.At napakaganda ng ganitong Gawain dahil aliwan na rin ito ng mga nakakapanood. Kaya kung gusto ninyong masaksihan ang mga pagdiriwang na ito, halina at maglakbay patungong lugar ng mga Mamamayang Disiplinado- ang Puerto Galera.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento